Inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Pebrero 12, 2026 ang “Walang Gutom” o Food Stamp Program sa lalawigan ng Romblon, kung saan ang bayan ng Odiongan ang napiling pilot area sa rehiyong MIMAROPA.
Kabuuang 94 residente ng Odiongan ang kinilalang unang benepisyaryo ng programa.
Pinangunahan ni DSWD Undersecretary for Innovations and Program Development Group na si Edu Punay ang paglulunsad at pamamahagi ng tulong. Ayon sa kanya, bahagi ang inisyatibang ito ng pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking walang Pilipinong magugutom.
Layunin ng programa na magbigay ng tuloy-tuloy na suporta sa pagkain sa mga mahihinang sektor habang nagpapatupad ang pamahalaan ng pangmatagalang solusyon laban sa kahirapan at kakulangan sa pagkain.
“Ito ay pagtupad sa bisyon [ni Pangulong Marcos] sa ating bansa na balang araw ay wala nang Pilipino na magugutom dahil hindi deserve ng kahit sinong Pilipino ang magutom. Responsibilidad ng national government at ng local government na siguraduhin na hindi nagugutom,” ani Punay.
Kapag ganap nang naipatupad ang programa, tinatayang hindi bababa sa 371 benepisyaryo mula sa mga bayan ng Alcantara, Cajidiocan, Corcuera, Odiongan, Romblon, San Andres, San Fernando, San Jose, at Santa Fe ang makatatanggap ng tulong.
Pinili ang mga benepisyaryo batay sa Listahanan 3 survey, bahagi ng datos mula sa National Household Targeting System for Poverty Reduction. Ang mga pamilyang kabilang sa pinakamahihirap na sektor ay sumailalim sa pagsusuri gamit ang Walang Gutom Indicator Tool upang matukoy ang kanilang antas ng food security.
Sa ilalim ng programa, bawat benepisyaryo ay makatatanggap ng Php3,000 halaga ng buwanang food credits sa pamamagitan ng Electronic Benefit Transfer (EBT) card. Maaari itong gamitin sa pagbili ng bigas, gulay, manok, at baboy.
“Ang maganda dito sa ating Walang Gutom program, ito ay non-monetary assistance. Ibig sabihin, binibigyan natin sila ng Electronic Benefit Transfer card na gagamitin nila para sa redemption. Doon natin niloload ang food credits nila; hindi ito convertible to cash. Gagamitin lamang ito sa pagbili ng pagkain upang masigurong pagkain ang natatanggap nila at hindi pera,” paliwanag ni Punay.
Isa sa mga benepisyaryo, si Ana Sulungon, isang ina mula sa Barangay Patoo sa Odiongan, ay nagpahayag ng pasasalamat sa tulong na kanyang natanggap. Ayon sa kanya, malaking tulong ito para matustusan ang pangangailangan ng kanyang mga anak.
“Maraming salamat po sa Panginoon at kay Pangulong Bongbong Marcos. Sa DSWD, sana marami pang matulungang katulad naming mahihirap. Malaking tulong po ito para sa mga anak ko dahil ang kinikita ko araw-araw ay sapat lamang para sa kanilang pag-aaral at kulang pa para sa pagkain,” ani Sulungon.
Inaasahang regular na matatanggap ng mga benepisyaryo ang tulong sa loob ng tatlong taon sa ilalim ng Walang Gutom program.
Source: https://www.facebook.com/share/p/14VRsea2V3y/