Sumailalim sa isang Disaster Awareness and Preparedness Seminar ang mga Police Non-Commissioned Officers (PNCOs), mga kinatawan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), at iba pang force multipliers ng Camarines Norte na ginanap sa Sanayang Pangkaligtasan sa Sitio Mat-I, Barangay Sto. Domingo, Vinzons.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng Human Resource and Doctrine Development Section (HRDDS) at Police Community Affairs and Development Unit (PCADU) ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), katuwang ang Eagles Response Team.
Ayon sa CNPPO, layunin ng seminar na higit pang palakasin ang kaalaman, kahandaan, at kakayahan ng kapulisan at mga katuwang na ahensya sa pagtugon sa mga sakuna upang matiyak ang epektibong koordinasyon at mabilis na aksyon sa panahon ng emerhensiya.
Kabilang sa mga tinalakay sa seminar ang Understanding Seismic Hazard, Disaster Preparedness and Management, Metro Manila Earthquake Contingency Plan, at ang mga paunang hakbang bago, habang, at pagkatapos ng lindol.
Isinagawa rin ang mga pagsasanay sa Basic Emergency Response, paggamit ng ambulance equipment at oxygen module, choking at CPR modules, bandaging at splinting, pamamahala ng pinsala, at tamang paraan ng paglipat at pagbubuhat sa mga nasugatan.
Sinundan ang mga lecture ng Simulation Exercise (SIMEX) at actual demonstration upang mas lalo pang mapatibay ang praktikal na kaalaman ng mga kalahok sa aktuwal na sitwasyon ng sakuna.
Binigyang-diin ng mga tagapagsanay ang kahalagahan ng sapat na kaalaman, kahandaan, at maagap na pagtugon sa sakuna upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at ang katatagan ng pamayanan.
Ang naturang aktibidad ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng Police Regional Office 5 (PRO5) sa ilalim ng pamumuno ni Acting Regional Director PBGen Erosito N. Miranda na paigtingin ang kakayahan ng kapulisan at mga katuwang na ahensya sa disaster preparedness at emergency response para sa kapakanan ng mamamayan.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1E7fZNQ3aP/