Personal na binisita at ininspeksyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang ilang bahagi ng Maharlika Highway sa lalawigan ng Quezon, partikular sa mga bayan ng Lopez, Calauag, at Tagkawayan nitong Biyernes, Enero 16, 2026.

Layunin ng inspeksyon na masuri ang kasalukuyang kondisyon ng highway, lalo na ang mga bahaging madalas ireklamo ng mga motorista dahil sa mga lubak, bitak sa kalsada, at pagbaha tuwing panahon ng tag-ulan. Bahagi ito ng paghahanda ng DPWH para sa planong malawakang rehabilitasyon ng nasabing pangunahing highway.
Kasama ni Secretary Dizon sa isinagawang inspeksyon ang mga opisyal ng DPWH Region IV-A (CALABARZON) at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan. Tinalakay rin sa nasabing aktibidad ang mga agarang hakbang at solusyon upang mapabilis ang pagkukumpuni at masiguro ang kalidad ng mga gagawing proyekto sa kalsada.

Ayon kay Secretary Dizon, napakahalaga ng Maharlika Highway bilang pangunahing daanan na nag-uugnay sa Kalakhang Luzon patungo sa Visayas at Mindanao, kaya’t kinakailangang mapanatili itong ligtas at maayos para sa mga motorista at mga nagdadala ng produkto at serbisyo.
Dagdag pa ng kalihim, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DPWH sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak na ang mga proyekto sa imprastruktura ay tumutugon sa tunay na pangangailangan ng publiko at sumusunod sa itinakdang kalidad at pamantayan ng ahensya.
Source: