Bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng Pamahalaang Bayan ng San Mateo para sa kalusugan at kapakanan ng mga alagang hayop, matagumpay na isinagawa noong Oktubre 11, 2025 sa Municipal Agriculture Office ang low-cost kapon at libreng anti-rabies vaccination para sa mga alaga ng mga residente.
Ang nasabing aktibidad ay kasunod ng “Fur Babies’ Day Out” na ginanap noong October 10, 2025 na layong magbigay ng kasiyahan at serbisyo sa mga pet owners ng bayan. Sa pagkakataong ito, muling nakipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa Stray Neuter Project, isang organisasyong tumutulong sa pagpapatupad ng murang kapon upang makontrol ang pagdami ng mga ligaw na hayop at mapangalagaan ang kalusugan ng komunidad.

Ayon sa San Mateo Rizal Municipal Agriculture Office at San Mateo Rizal Animal Welfare Office, patuloy nilang isusulong ang mga programang makatutulong sa mga “fur parents” at kanilang mga alaga. Bahagi ito ng layunin ng lokal na pamahalaan na paigtingin ang responsableng pag-aalaga ng hayop at maiwasan ang pagkalat ng rabies sa komunidad.
Ang mga residente ay lubos na nagpahayag ng pasasalamat sa serbisyong hatid ng pamahalaan, na nagbibigay ng abot-kayang paraan upang mapangalagaan ang kanilang mga alaga.
Tunay na pinatutunayan ng San Mateo na dito, “alaga ang iyong alaga.
Source: San Mateo Rizal Public Information Office FB Page