Patuloy ang pagdaloy ng serbisyo at malasakit ng pamahalaang panlalawigan sa mga mamamayan ng Romblon, sa pangunguna ni Governor Trina Firmalo-Fabic na personal na bumisita sa Isla ng Simara nito lamang Oktubre 6, 2025.

Kasama ni Governor Trina sa kanyang pagbisita sina Vice Governor Arming Gutierrez at Sangguniang Panlalawigan Member Cary Falculan upang ipaabot ang tulong sa mga Simaranhon. Mainit silang tinanggap nina Mayor Elmer Fruelda at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Isa sa mga pangunahing aktibidad ng pagbisita ay ang payout para sa mga Barangay Health Workers (BHWs), Barangay Nutrition Scholars (BNS), mga solo parent, at senior citizens o tinaguriang golden couples. Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang mga benepisyaryo sa natanggap nilang allowances, incentives, financial assistance, at medical assistance mula sa pamahalaang panlalawigan.

Bilang bahagi rin ng serbisyong medikal, isinagawa ang libreng check-up para sa mga batang may epilepsy at cerebral palsy sa tulong ng pediatric neurologist na si Dra. Leonie Firmalo, na patuloy ding nagsisilbi sa mga nangangailangang kabataan sa mga liblib na isla.

Ang pagbisita ay patunay ng walang patid na pangako ng administrasyon ni Governor Trina Firmalo-Fabic na maipaabot ang serbisyo ng gobyerno kahit sa mga malalayong lugar, at masigurong walang naiiwang Romblomanon sa layunin ng maayos na pamumuhay at pantay-pantay na oportunidad para sa lahat.

Source: Romblon Provincial Information Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *