Patuloy ang masigasig na pag-iikot ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro sa iba’t ibang bayan upang maghatid ng tulong sa mga residenteng lubhang naapektuhan ng Bagyong Opong.
Sa pangunguna ni Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor, muling ipinamalas ang malasakit ng pamahalaan sa ikatlong araw ng relief operations na isinagawa ngayong Setyembre 29, 2025.

Ang Brgy. Anoling sa bayan ng Pinamalayan ang isa sa mga tinutukan ng pamahalaan. Higit 500 pamilya mula sa nasabing barangay ang nakatanggap ng relief goods bilang bahagi ng tulong mula sa Pamahalaang Panlalawigan.
Katuwang ni Gobernador Dolor sa pamamahagi ng tulong ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), at ang Provincial Health Office (PHO). Layunin ng aktibidad na matulungan ang mga pamilyang nawalan ng kabuhayan, nasiraan ng tahanan, at patuloy na umaasa sa suporta ng pamahalaan sa gitna ng pagbangon mula sa kalamidad.

Patuloy ang panawagan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagkakaisa at bayanihan upang mas mapabilis ang rehabilitasyon at muling pagbangon ng mga apektadong komunidad sa buong lalawigan.
Source: Provincial Information Office -Orienta Mindoro