Agad na nagpaabot ng tulong at psychosocial support ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region sa mga pamilya ng tatlong dalagitang nailigtas mula sa tangkang human trafficking sa pantalan ng Pio Duran, Albay noong Setyembre 9, 2025.

Ayon sa ulat ng mga awtoridad, ang tatlong biktima—pawang menor de edad na may edad 15 at 16 at mula sa bayan ng Cataingan, Masbate—ang nailigtas habang lihim na iniluluwas papuntang Maynila na pinangakuan ng trabaho sa isang panaderya sa nasabing lugar.

Nabigo ang naturang tangka dahil sa maagap na aksyon at koordinadong operasyon ng Pio Duran Municipal Police Station at ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), na siyang agad rumesponde matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa kahina-hinalang biyahe.

Matapos ang pagkakaligtas, agad na ibiniyahe pabalik sa kanilang bayan ang mga kabataan upang muling makapiling ang kanilang mga pamilya at sumailalim sa reintegrasyon.

Hindi naman nag-atubili ang DSWD Bicol, sa pangunguna ni Regional Director Norman S. Laurio, na magpadala ng response team upang magsagawa ng home visit at personal na iabot ang agarang tulong sa mga pamilya ng mga biktima.

Kabilang sa ibinigay na tulong ay mga food packs, hygiene kits, at psychosocial intervention para matulungang makabawi ang mga menor de edad mula sa kanilang mapait na karanasan.

Patuloy rin ang imbestigasyon upang matukoy ang mga nasa likod ng tangkang human trafficking at masigurong mapanagot ang mga ito sa batas.

Source: DSWD Field Office V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *