Makulay at makabuluhang ipinagdiwang ng 22 Child Development Centers ng Bayan ng Bay ang Buwan ng Wika na may temang “Ang Paglinang ng Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagbuo ng Bansa” noong Agosto 20, 2025 sa Tranca Covered Court, Bay, Laguna.
Sa kabuuang 624 Child Development Learners, ipinamalas ng mga munting mag-aaral ang kanilang husay at talento sa pamamagitan ng iba’t ibang pagtatanghal gaya ng awit, sayaw, at pagbigkas ng tula. Ang bawat palabas ay nagsilbing patunay ng kahalagahan ng wikang Filipino at mga katutubong wika bilang salamin ng ating kultura at pagkakakilanlan bilang isang bansa.
Taos-pusong pasasalamat naman ang ipinaabot ng pamunuan ng Early Childhood Care and Development (ECCD) Program sa Lokal na Pamahalaan ng Bay, sa pangunguna ng kanilang butihing Punong Bayan, Mayor Jose O. Padrid, para sa walang sawang suporta at pakikiisa sa mga programa at aktibidad na nakatuon sa kabataan.
Sa pagtatapos ng selebrasyon, muling binigyang-diin na ang patuloy na pagpapahalaga sa wika at kultura ay susi sa paghubog ng makabayan at makabuluhang mamamayan.
Source: Lokal na Pamahalaan ng Bayan ng Bay FB Page