Sa layuning mapalawak ang partisipasyon ng mga katutubong komunidad sa lokal na turismo at mapanatili ang kanilang makulay na kultura, nagsagawa ng isang mahalagang inspeksyon ang Municipal Tourism, Culture, and the Arts Office (MTCAO) sa mga produkto ng katutubong Mangyan mula sa Tribung Alangan nito lamang Agosto 6-7, 2025 sa Sitio Dapdap, Barangay Lumangbayan at Sitio Siapo, Barangay Pinagturilan.

Pinangunahan ito ng MTCAO katuwang ang Committee Chair on Tourism na si SB Member Ronie Alegria at Punong Barangay Alvin Torreliza. Ang pangunahing layunin ng inspeksyon ay masusing suriin ang kalidad, marketability, at potensyal ng mga likhang-kamay ng tribo bilang bahagi ng pinalalawak na turismo-kultural ng bayan.

Kilalang tagapagtaguyod ng mayamang sining at tradisyon, ang Tribung Alangan ay gumagawa ng mga produktong hinabi mula sa mga natural na materyales gaya ng nito, pidlis at napnap. Ilan sa mga kilalang produkto ay ang galang (bracelets), balulang (baskets), at bulbog(traditional containers), na simbolo ng kanilang kasanayan, sining, at ugnayan sa kalikasan. Karaniwan, ang mga lalaki sa komunidad ang responsable sa pangangalap ng hilaw na materyales mula sa kabundukan, habang ang mga kababaihan naman ang humahabi at lumilikha ng mga produktong sumasalamin sa kanilang pamumuhay at pagkakakilanlan.

Ayon sa MTCAO, ang aktibidad na ito ay bahagi ng kanilang mas malawak na programa na naglalayong itaguyod ang inklusibong turismo sa bayan—isang turismo na hindi lamang nakatuon sa mga destinasyon, kundi pati sa mga tao, sining, at kultura na bumubuo sa pagkakakilanlan ng komunidad.

Source: Tourism,Culture, and the Arts Office – Santa Cruz

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *