Personal na binisita ni Governor Trina Firmalo-Fabic ang San Andres Municipal Hospital upang magsagawa ng inspeksyon at talakayin ang mga kinakailangang renovation at improvement ng nasabing pasilidad noong Hulyo 17, 2025.
Kasama ni Governor Firmalo-Fabic sa nasabing pagbisita si Dr. Arnulfo De Luna, Officer-In-Charge ng Provincial Government Sub-Office, upang masusing suriin ang kalagayan ng ospital at makapaglatag ng mga konkretong hakbang para sa pagpapabuti nito.
Ang naturang inspeksyon ay bahagi ng mas pinaigting na inisyatiba ng Pamahalaang Panlalawigan na palakasin ang serbisyong medikal sa buong lalawigan, lalo na sa mga bayan tulad ng San Andres na nangangailangan ng mas modernong pasilidad at serbisyong pangkalusugan.
Ayon kay Gov. Trina, pangunahing layunin ng kanilang administrasyon ang tiyakin na ang bawat Romblomanon ay may akses sa maayos, ligtas, at epektibong serbisyong medikal. Dagdag pa niya, “Ang kalusugan ng bawat mamamayan ay isang mahalagang pundasyon ng ating lalawigan. Patuloy naming pagtutuunan ng pansin ang pag-aayos ng mga ospital at health centers upang mapagsilbihan nang mas maayos ang ating mga kababayan.”

Sa darating na mga buwan, inaasahan ang paglalatag ng mga plano para sa pagsasaayos ng nasabing ospital, kabilang na ang posibleng pagdaragdag ng mga kagamitan, pagpapalawak ng mga pasilidad, at pagsasaayos ng imprastraktura.
Ang hakbang na ito ay patunay ng patuloy na pagtutok ng administrasyon ni Governor Trina Firmalo-Fabic sa serbisyong pangkalusugan bilang isa sa mga pangunahing prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon.
Source: Romblon Provincial Information Office