Bilang bahagi ng Rural Aquaculture Development Program, matagumpay na naipamahagi ng Pamahalaang Panlalawigan ng Kanlurang Mindoro ang 500,000 tilapia fingerlings sa 250 small scale backyard fishpond operators nito lamang Hulyo 10, 2025.
Pinangunahan ang nasabing aktibidad ni Gobernador Eduardo B. Gadiano sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA), sa pamumuno ni Engr. Alrizza C. Zubiri, katuwang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Maagang isinagawa ang pamamahagi sa mga bayan ng Magsaysay, San Jose, Rizal at Calintaan na kabilang sa SAMARICA Area, kung saan may kabuuang 125 benepisyaryo. Pinangunahan ng mga kawani ng OPA-SAMARICA at BFAR ang aktibidad sa tulong nina G. Manolito Z. Santinoa, Mr. Primo R. Estonactoc, at Ms. Grace Pastrana. Isinagawa ito sabay-sabay sa kani-kanilang mga lokalidad at sa PGO San Jose sub-office.

Kasabay nito, isinagawa rin ang distribusyon sa MAPSA Area na may 125 benepisyaryo mula sa iba’t ibang munisipalidad. Layunin ng programa na suportahan ang kabuhayan ng mga maliliit na mangingisda at palakasin ang produksyon ng isdang tilapia sa lalawigan upang makatulong sa seguridad sa pagkain.
Ang hakbang na ito ay patunay ng dedikasyon ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagpapalago ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa Kanlurang Mindoro. Inaasahang makatutulong ito sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga benepisyaryo at sa mas matatag na supply ng isda sa mga lokal na komunidad.
Source: PIO OCCIDENTAL MINDORO