Isinagawa nitong Hunyo 2025, ang City Advisory Committee Meeting para sa ikalawang quarter ng taon sa Legazpi City, kung saan dalawang mahalagang resolusyon ang inaprubahan na naglalayong higit pang mapalakas ang suporta at serbisyo para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang mga hakbang na ito ay sumusuporta sa Ten-Point Agenda for Social Development ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na layuning tiyakin ang inklusibong kaunlaran at patas na pag-access sa serbisyong panlipunan.
Unang inaprubahan ang resolusyon para sa paglikha ng Federation ng 4Ps Parent Leaders (PLs) sa buong lungsod at ang patuloy na pagbibigay ng stipend o insentibo sa kanila. Hangarin nito na palakasin ang samahan ng mga PLs at bigyang pagkilala ang kanilang mahalagang papel sa pagsuporta at pag-alalay sa mga kapwa benepisyaryo ng 4Ps.
Pangalawa, inaprubahan rin ang resolusyon na humihikayat sa mga miyembro ng City Advisory Council na tanggapin at gamitin ang DSWD-4Ps Service Intervention Tracker (SIT) bilang pangunahing monitoring tool. Sa pamamagitan ng SIT, masusubaybayan at madodokumento nang maayos ang mga serbisyong ibinibigay ng lokal na pamahalaan sa mga 4Ps beneficiaries, kabilang na ang mga referral at iba pang kaakibat na serbisyo. Sisiguraduhin din nito na ang lahat ng datos ay maayos na nailalahad sa mga ulat na isinusumite ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) alinsunod sa DSWD-DILG Joint Memorandum Circular.
Ang mga inisyatibong ito ay isinasakatuparan sa ilalim ng matibay na pamumuno ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na patuloy na nagsusulong ng makatao at makabagong pamamahala sa larangan ng serbisyong panlipunan, at ni DSWD Bicol Regional Director Norman Laurio, na walang-sawang umaalalay sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga polisiya at programa ng kagawaran.
Source: DSWD Field Office 5 (Bicol Region)