Naging matagumpay ang isinagawang Serbisyo Caravan ng mga kaanib na ahensya ng Provincial Task Force to Endi Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) sa pamamagitan ng inisyatibo ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment (PRLE) Cluster na pinangangasiwaan ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) na isinagawa sa Barangay Caruray sa bayan ng San Vicente, Palawan nitong Hulyo 26, 2024.
Ito na ang ikatlong Serbisyo Caravan na isinagawa ng grupo ngayong taon na matatandaang una nang naisagawa sa mga bayan ng Taytay at Dumaran.

Bahagi ng aktibidad ang pagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan ng napipiling maging barangay beneficiary kung saan inihahandog ang iba’t ibang mga serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno katuwang ang mga kapulisan ng San Vicente MPS.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ay ang pamamahagi ng bags para sa pagbabalik eskwela ng mga mag-aaral, free haircut, legal consultation, trainings on livelihood, Seminar on Firefighting, Human Trafficking, BDRRM at BADAC, gayundin ang libreng eye check-up at pagkakaloob ng reading glasses.

Layunin ng pamahalaan na patuloy na mailapit sa mga mamamayan ang mga serbisyo ng pamahalaan upang maiwasan ang mga maling paniniwala tungkol sa gobyerno na madalas na nagiging rason ng mga makakaliwang grupo upang makahikayat ng kanilang mga miyembro.
Bagamat tinaguriang insurgency free ang Palawan, tuloy-tuloy pa rin ang mga programa sa ilalim ng PTF-ELCAC upang mapanatili ang kasalukuyang estado nito.
Source: Palawan PIO