Isang makabuluhang pagtitipon ang ginanap sa Barangay Mapaya tungkol sa Adolescent Health & Well-Being Forum nito lamang Mayo 23, 2024.
Ang kaganapan ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng Provincial Health Office (PHO), Municipal Health Office (MHO), Rural Health Unit (RHU), at mga Barangay Health Workers (BHWs).
Aktibong lumahok sa aktibidad ang mga kabataan na may edad 14-18 taong gulang.

Sa nasabing forum, ibinahagi ng mga resource speakers mula sa MHO at PHO ang mga mahahalagang paksa na tumatalakay sa Sexually Transmitted Infections (STIs), teenage pregnancy, adolescent mental health, pagpapabakuna laban sa human papillomavirus (HPV), nutrisyon, physical fitness, at iba pang isyung pangkalusugan na kinakaharap ng mga kabataan.
Sa forum, binigyang-diin ang kahalagahan ng edukasyon at kamalayan upang maiwasan ang mga karaniwang isyu sa kalusugan ng mga kabataan.
Naging sentro ng talakayan ang pag-iwas at tamang paggamot sa STIs, ang pagsulong ng mga programa kontra teenage pregnancy, at ang pagpapalaganap ng wastong impormasyon ukol sa mental health upang mabawasan ang stigma sa isyung ito.

Ang Adolescent Health and Well-Being Forum ay nagsilbing isang plataporma upang mapalakas ang partisipasyon ng kabataan sa mga usaping pangkalusugan at masiguro na sila ay may sapat na kaalaman upang harapin ang mga hamon sa kanilang kalusugan at kapakanan.
Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, layunin ng Barangay Mapaya na patuloy na itaguyod ang kalusugan at kapakanan ng mga kabataan para sa isang mas maliwanag na hinaharap.
Source: LGU San Jose, Occidental Mindoro – Municipal Information Office