Pinasinayaan ng Department of Information and Communications Technology – Laguna (DICT Region IV-A) ang bagong Tech4ED Center sa Barangay Bañadero, Calamba City.
Layunin ng programa na gawing isang Smart Community ang lugar, kung saan aalisin ang digital divide at i-promote ang digital literacy.

Nanguna sa pagbubukas ng Tech4ED Center sina DICT IV-A Technical Operations Division Head Dr. Maria Graciella Bucad, DICT Laguna Provincial Officer Hazel Pagao, Calamba City ICT Office Head Reden Aquino, at Bañadero Chairman Aries Hizon.
Ayon sa DICT, magkakaroon ng mga trainings sa Tech4ED Center para sa mga estudyante, PWDs, senior citizen, single parents, at mga naghahanap ng trabaho para makatulong sa kanilang pag-aaral o paghahanap-buhay.

May mga online government transactions din na pwedeng i-book online sa tulong ng center kagaya ng pagfi-file ng request sa NBI Clearance, passport application o renewal, PRC license filing, pagsusumite ng birth certificates, CENOMAR, o death certificates sa PSA, at iba pang mga serbisyo.
Suportado ng Calamba City LGU, sa pangunguna ni Mayor Roseller Rizal ang programa na makakatulong aniya sa pag-unlad ng mga Barangay at makakatulong sa mga mag-aaral na walang access sa libreng internet.

Ayon kay Hizon, malaki ang tulong ng proyekto at ng lokal na pamahalaan upang gawin pang mas mabilis, madali, at moderno ang mga serbisyo para sa mamamayan.
Plano rin na dalhin pa sa iba’t ibang Sitio ang mga online services ng Tech4ED Center, bilang paghahanda sa plano ng Bañadero na maging Smart Community.
Ang Tech4ED Center sa Bañadero ang kauna-unahang Tech4ED Center na matatagpuan sa isang Barangay, at bilang isang Smart City, inaasahang madaragdagan pa ang mga itatayong pasilidad sa lungsod dahil sa suporta ng lokal na pamahalaan at pakikiisa ng komunidad sa mga proyekto ng gobyerno.
Source: PIA-Laguna