Isang matagumpay na pagbubukas ng Bagong gusali sa Bahay Kanlungan ang ginanap sa Barangay Ilaya, Lungsod ng Calapan kasabay ng pagdiriwang ng ika-15 anibersaryo ng pagkakatatag ng naturang institusyon nito lamang ika-27 ng Abril 2024.
Ang seremonya ng pagputol ng ribbon para sa pagbubukas ng dalawang palapag na bagong gusali ay pinangunahan ni Humerlito “Bonz” A. Dolor, Governor, kasama si Fay Ilano, Board Member.
Ayon kay Governor Bonz, layunin ng kanilang administrasyon na maglaan ng mga espasyo na magbibigay ng hindi lamang pisikal na proteksyon, kundi pati na rin ng pagkakataon para sa mga kabataan na mapalawak ang kanilang mga kakayahan at talento.
Binigyang-diin din niya ang papel ng mga stakeholders at samahan sa pagtataguyod ng karapatan at kagalingan ng mga kabataan na nasa pangangalaga ng Bahay Kanlungan.
Ang Bahay Kanlungan ay pinangangasiwaan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pamumuno ni Sarah C. Magboo, PSWD Officer.
Sa pamamagitan ng kanilang dedikasyon at pagtutulungan, patuloy na naiibsan ng BK ang pangangailangan ng mga kabataan na nangangailangan ng maayos at mapagkalingang pangangalaga.
Sa pagbubukas ng bagong gusali, naglalayong patuloy na maging tahanan at tagapaglingkod sa mga kabataang nangangailangan ng pagmamahal, gabay, at suporta mula sa kanilang komunidad.
Ang hakbang na ito ay hindi lamang isang simbolo ng progresibong pag-unlad kundi pati na rin pagtupad sa pangako ng pamahalaan na itaguyod ang karapatan at kagalingan ng lahat ng mamamayan, lalo na sa mga kabataan.
Source: Provincial Information Office – Oriental Mindoro