Isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang huling inspeksyon sa mga sub-projects ng Kapit-bisig Laban sa Kahirapan–Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS) Kapangyarihan at Kaunlaran sa Barangay–Balik Probinsya Bagong Pag-asa Program (KKB-BP2P) sa bayan ng Bansud, Oriental Mindoro nito lamang Pebrero 26, 2024.

Ang nasabing inspeksyon ay pinangunahan ng DSWD katuwang ang municipal inter-agency committee, mga lokal na opisyal ng barangay, community volunteers, at municipal area coordinating team ng nabanggit na barangay.

Nagkakahalaga ng Php1.7 milyon ang proyekto sa Barangay Malo na may habang 0.138 kilometro na kung saan nasa 532 na kabahayan ang magbebenepisyo dito. Ang proyekto sa Barangay Manihala na may kongkretong haba na 0.200 kilometro at may alokasyon na Php1.6 milyon ay mabebenepisyuhan naman ng 286 na kabahayan.

Samantala, aabot sa Php4 milyon ang halaga ng river control project sa Barangay Villa Pag-asa na may habang 0.100 kilometro na mapapakinabangan ng 1,132 kabahayan.

Sa kabuuan ng proyekto, nasa 1,950 na kabahayan na matatagpuan sa tatlong barangay ang makikinabang sa mga proyekto na siya nilang magiging pundasyon at magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa ekonomikong pag-unlad, habang ang river control project ay magbibigay ng proteksyon laban sa panganib ng baha at iba pang kalamidad.

Ang mga proyektong isinuri ng DSWD ay ang access road sa mga barangay ng Malo at Manihala at ang river control project sa Villa Pag-asa upang tiyakin ang pisikal na kalagayan at masiguro ang pagsunod sa mga itinakdang pamantayan ng programa sa mga ito.

Ang mga proyektong ito ay isang patunay na seryoso ang kasalukuyang Administrasyon sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. upang maisakatuparan ang pagpapaunlad ng bayan lalo na sa mga liblib na lugar.

Source: PIA Oriental Mindoro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *