Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang apat na batas na mas magpapalakas at magpapatibay sa sektor ng edukasyon sa Pilipinas nito lamang ika-15 ng Pebrero 2024.
Kabilang sa mga batas ang Republic Act No. 11977; Republic Act No. 11978; Republic Act No. 11979; at ang Republic Act No. 11980.
Ang RA 11977 ay magtatatag sa Pampanga State Agricultural University (PSAU)-Floridablanca Campus na mag-aalok ng short-term, technical-vocational, undergraduate, at graduate courses na nakatuon sa agrikultura.
Ang RA 11978 naman ay magbubukas sa Doctor of Medicine program, kabilang na ang Integridad Liberal Arts and Medicine program sa Don Mariano Marcos Memorial State University-South sa kanilang campus sa Agoo, La Union.
Ang RA 11979 naman ay magiging regular campus na ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Parañaque at kikilalanin bilang PUP-Parañaque City Campus. Ito naman ay mag-aalok ng short-term, technical-vocational, undergraduate, at graduate courses alinsunod sa areas of competency at specialization nito.
Habang sa ilalim naman ng RA 11980 ay naglalayon na rebisahin ang university charter ng Bulacan State University (BulSU) kung saan maaari na itong mag-alok ng advance education, higher technological, professional courses, at training programs para sa mga kurso.
Samantala, ikinalugod naman ng ilang senador ang patuloy na pagpapalakas ng administrasyon sa sistema ng edukasyon sa bansa. Isa lamang itong patunay sa pangako ni Pangulong Marcos Jr. sa pagbibigay ng quality higher education para sa mga Pilipinong mag-aaral.