Hindi oil spill ang paunang natukoy na sanhi ng maitim na tubig at mabahong amoy sa ilang bahagi ng baybayin ng Barangay Talabaan sa Mamburao, Occidental Mindoro, batay sa paunang obserbasyon ng Philippine Coast Guard (PCG).
Nagsagawa ng inspeksyon ang PCG Station Occidental Mindoro, kasama ang Coast Guard Marine Environmental Protection Unit at Coast Guard Sub-Station Mamburao, kasunod ng mga ulat hinggil sa pagbabago ng kulay ng tubig at mabahong amoy sa lugar.

Sa isinagawang ocular inspection, napansin na bahagyang naharangan ng sandbar ang bunganga ng ilog patungo sa dagat, na posibleng nakaapekto sa natural na daloy ng tubig. Natukoy rin ang naipong banlik, putik, hindi umaagos na tubig at nabubulok na organikong materyales sa lugar.
Ayon sa paunang obserbasyon ng PCG, maaaring ang naipong tubig at nabubulok na materyales, lalo na sa mainit na panahon, ang sanhi ng maitim na kulay ng tubig at mabahong amoy sa ilang bahagi ng baybayin.

Gayunman, patuloy na nakikipag-ugnayan ang PCG sa Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau Provincial Environmental Management Unit, Municipal Environment and Natural Resources Office ng Mamburao at iba pang kinauukulang ahensya para sa pagsubaybay sa kalidad ng tubig at pagtukoy sa mga kinakailangang hakbang.
Patuloy na tinututukan ng mga kinauukulang ahensya ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng kapaligiran at ng mga komunidad sa baybayin.
Source: PIA MIMAROPA