Naghatid ng 500 hygiene kits ang Office of Civil Defense (OCD) CALABARZON sa mga pamilyang inilikas sa Montalban, Rizal matapos maapektuhan ng pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan na dala ng Habagat nitong weekend.
Ayon kay RDRRMC Chairperson at OCD CALABARZON Regional Director Carlos Eduardo Alvarez, malaking tulong ang mga hygiene kits sa mga residenteng pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center upang mapanatili ang kanilang kalinisan at kalusugan habang nasa evacuation.

Batay sa datos ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) CALABARZON, nasa 8,861 pamilya o 33,419 indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha sa Montalban sa kasagsagan ng Habagat.
Katuwang ng OCD CALABARZON sa paghahatid ng mga hygiene kits ang Philippine Army 2nd Infantry Division, na tumulong sa transportasyon ng mga ayuda patungo sa pamahalaang bayan ng Montalban.

Patuloy naman ang koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan upang matiyak ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha sa Montalban at iba pang lugar sa rehiyon.
Source: PIA CALABARZON