Walong araw matapos iligtas ang 15 gurong na-stranded dahil sa biglaang pagtaas ng tubig sa Bongabong River, muling nagtungo ang mga tauhan ng Police Regional Office (PRO) MIMAROPA sa Sitio Naswak, Barangay Lisap upang tumulong sa pagtatayo ng pansamantalang tulay.

Nakipagtulungan ang mga pulis sa 74th Infantry Battalion ng Philippine Army, lokal na pamahalaan ng Bongabong, mga opisyal ng Barangay Lisap, at mga residente sa paggawa ng makeshift bridge upang muling magkaroon ng ligtas na daanan ang mga residente ng Sitio Naswak.
Nasira ang dating tulay na gawa sa kawayan noong Agosto 20 matapos itong tangayin at sirain ng malakas na agos dulot ng mabilis na pagtaas ng tubig ng Bongabong River. Dahil dito, naputol ang pangunahing daanan papunta at palabas ng sitio, na nagdulot ng malaking abala sa mga residente sa pagpunta sa sentrong komunidad at pagkuha ng mahahalagang serbisyo.

Ang pagkasira ng tulay ang naging dahilan din upang ma-stranded ang 15 guro ng Naswak Elementary School, na kalaunan ay matagumpay na nailigtas ng mga awtoridad matapos tumaas nang mabilis ang tubig ng ilog.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga awtoridad, lokal na pamahalaan at komunidad, layunin ng pagtatayo ng pansamantalang tulay na maibalik ang access ng mga residente sa kanilang mga pangunahing pangangailangan habang hinihintay ang mas matibay at pangmatagalang solusyon sa nasirang tulay.
Source: PIA MIMAROPA