ROMBLON – Ipinatupad ng Montenegro Shipping Lines ang mas mababang pasahe sa mga rutang papunta at mula sa Romblon simula Hunyo 22, kasunod ng patuloy na pagbaba ng presyo ng diesel.

Saklaw ng fare reduction ang mga biyahe sa rutang Batangas–Odiongan at Odiongan–Batangas, gayundin ang mga biyahe mula Lucena patungo sa iba’t ibang destinasyon sa Romblon, at ang rutang Roxas, Oriental Mindoro–Odiongan at pabalik.

Ayon sa bagong fare matrix ng kumpanya, ang regular economy fare sa rutang Batangas–Odiongan ay ₱1,428, habang ₱1,856 naman para sa air-conditioned accommodation.

Nagkaroon din ng diskuwento para sa mga estudyante, senior citizens, persons with disabilities (PWDs), at mga kwalipikadong pasahero sa ilalim ng half-fare category.

Ang pagbaba ng pasahe ay kasunod ng panawagan ni Romblon Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic sa mga shipping company na repasuhin at ibaba ang kanilang pamasahe matapos ang pagbaba ng presyo ng langis at ang paglalabas ng MARINA Advisory No. 2026-23, na nag-aatas sa mga shipping operator na muling kalkulahin ang passenger fares upang maipasa sa publiko ang benepisyo ng mas mababang fuel cost.

Binigyang-diin ng gobernador na mahalaga ang abot-kayang transportasyong pandagat para sa mga Romblomanon na umaasa rito para sa kanilang paglalakbay, kalakalan, at pag-access sa mahahalagang serbisyo.

Source: PIA MIMAROPA

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *