Binigyang-diin ni Occidental Mindoro Governor Eduardo B. Gadiano ang kahalagahan ng Community-Based Monitoring System (CBMS) bilang mas maaasahan at patas na batayan sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ng mga programa ng pamahalaan.
Sa isinagawang Regional Development Council (RDC) MIMAROPA Second Quarter Full Council Meeting noong Hunyo 4, sinabi ni Gadiano na nakatutulong ang CBMS upang matiyak na ang mga ayuda at serbisyong panlipunan ay naipagkakaloob sa mga pamilyang higit na nangangailangan sa pamamagitan ng datos na nakabatay sa aktuwal na kalagayan ng mga kabahayan.
Samantala, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nagpapatuloy ang pagsasaayos at pagtutugma ng datos ng CBMS at Listahanan upang mapahusay ang pagkilala sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Inaasahang mabubuo ang na-update na talaan ng mahihirap at hindi mahihirap na kabahayan bago ang susunod na pulong ng RDC MIMAROPA sa Setyembre.
Source: PIA MIMAROPA