Halos 500 na magkasintahan, kabilang ang ilang residente mula sa mga komunidad ng katutubong Mangyan, ang sabay-sabay na nagpalitan ng sumpaan sa ginanap na Kasalang Bayan sa Bulalacao Bay Park.

Pinangunahan ni Mayor Lumel Cabagay alkalde sa naturang lungsod, ang nasabing mass wedding ceremony ay bahagi ng programang naglalayong matulungan ang mga magkasintahan na gawing legal at pormal ang kanilang pagsasama.

Naging makabuluhang ang okasyong ito para sa daan-daang magkasintahan mula sa iba’t ibang barangay at sektor ng bayan na natupad ang matagal nang pangarap na makasal.

Dumalo bilang principal sponsor si Second District Representative Alfonso Umali Jr., kasama ang kanyang anak na si Steff Umali na nagsilbi ring principal sponsor sa seremonya.

Naging makulay at emosyonal ang pagtitipon habang ang ilang magkasintahan na matagal nang nagsasama nang walang pormal na kasal ay tuluyang nabigyan ng legal na pagkilala sa kanilang relasyon.

Ayon sa mga lokal na opisyal, layunin ng taunang Kasalang Bayan na matulungan ang mga magkasintahan na malampasan ang mga pinansyal at legal na hadlang sa pagpapakasal, kasabay ng pagpapatibay sa kahalagahan ng pamilya bilang pundasyon ng matatag na pamayanan.

Ipinakita rin ng programa ang patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na magbigay ng accessible na serbisyong sibil at palakasin ang kapakanan ng mga pamilya sa komunidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *