Opisyal nang binuksan sa publiko ang EKSENA: A Visual Arts Exhibition noong Miyerkules, Pebrero 18, sa pangunguna ng Calamba City Cultural Heritage and Historical Society (CCHHS) katuwang ang Saints John and Paul Foundation Inc., SM City Calamba, at ang Pamahalaang Lungsod ng Calamba.

Isinagawa ang eksibit bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Arts Month na may temang “Ani ng Sining: Katotohanan at Giting.” Tampok sa eksibit ang mga obra ng walong lokal na alagad ng sining mula sa Laguna na naglalahad ng biswal na salaysay ng kanilang mga karanasan, alaala, at pang-araw-araw na buhay sa lungsod ng Calamba.

Ayon kay CCHHS Founding and Current President Zarah Alunday-Escueta, bawat likha ay isang “eksena” na sumasalamin sa sandali ng katotohanan at tapang. Hindi lamang aniya ito mga imaheng nakapaskil sa dingding, kundi mga kuwentong hinango mula sa tunay na buhay—mga piraso ng identidad at kultura na nagbibigay-buhay sa sining ng komunidad.

Samantala, binigyang-diin ni Roseller Rizal, sa pamamagitan ng kinatawan niyang si Calamba Cultural Affairs, Tourism and Sports Development Head Engr. Karla Boholano, na ang mga ganitong inisyatiba ay higit pa sa pagpapakita ng ganda at kulay. Aniya, ito ay patunay ng husay at galing ng mga lokal na artista at isang panawagan sa publiko na makibahagi sa pagtataguyod ng sining at kultura ng sariling bayan.

Matatagpuan ang EKSENA: A Visual Arts Exhibition sa 2nd Floor Cyberzone Lobby, SM City Calamba at bukas sa publiko hanggang Pebrero 24, 2026. Inaanyayahan ang lahat na bisitahin ang eksibit at masaksihan ang makulay at makabuluhang mga likha ng mga lokal na artista ng Laguna. make title.

Source: PIA Laguna

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *