Makasaysayan ang pagkilalang iginawad ng pamahalaang panlungsod ng Puerto Princesa sa kabayanihan ni SSgt. Ceasar Barlas PN (M) noong Setyembre 22, 2025 sa Liwasang Mendoza. Isinagawa ang groundbreaking at unveiling ceremony para sa memorial marker ng sundalong ginawaran ng Medal for Valor, pinakamataas na parangal para sa militar, na nagbuwis ng buhay para sa serbisyo at sa bayan.
Binigyang pugay ni Konsehal Patrick Alex Hagedorn na kumatawan kay Mayor Lucilo R. Bayron at Bise Alkalde Peter Maristela sa kaniya-kaniyang mensahe ang walang hanggang pagsaludo at pasasalamat sa pagiging isang huwarang sundalo ni SSgt. Barlas.
Emosyonal rin ang mensaheng iniwan ni Berny Barlas, kumatawan sa pamilya na mula noon ay naging motto na ang “unahin muna ang iba bago ang sarili”. Kwento pa ng kapatid, hindi nila sukat akalain na ito ay papasok sa pagiging militar at nasorpresa na lamang ang pamilya na umuwi na lamang isang araw si Ceasar Barlas na isa ng sundalo.

Dagdag pa ni Major General Vicente Mark Anthonty P. Blanco III PN (M), Commandant, Philippine Marine Corps, isinabuhay rin umano ni SSgt. Barlas ant Philippine Marine Corps motto “Karangalan, Katungkulan, at Kabayanihan”, na tatatak pa lalo sa puso at isip ng marami pang kagaya niyang sundalo sa bansa.
Setyembre 3, 2020, sukdulang sakripisyo mula sa naging engkwentro sa mga armadong grupo sa Sitio Kabuyoan, Barangay Mainit, Brooke’s Point ang ipinagkaloob ni SSgt. Barlas. Dahil sa katapangan, ilang High Value Individual (HVI) ang na-neutralize at nasawata ang kampo. Maraming kasamahan rin ang naisalba at naging daan rin para ideklarang ‘insurgency-free province’ ang Palawan.
Sa paglalagay ng memorial marker ni SSgt. Barlas sa Liwasang Mendoza, mahihilera ito sa mga lokal na bayaning magiging bahagi na ng makulay na kasaysayan ng bansa.
Agosto 9, 1979 ipinanganak si SSgt. Barlas at naging sundalo taong 2003. Naninirahan rin ang pamilya nito sa Brgy. Manalo, Puerto Princesa City.
Source: City Department of Puerto Prinsesa