Tinatayang nasa 79 na ama na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa 19 barangay ng Sagnay, Camarines Sur ang lumahok sa kauna-unahang Empowerment and Reaffirmation of Paternal Abilities Training (ERPAT) Training kung saan dalawang araw silang magsasanay tungkol sa paglinang ng kanilang mga kakayahan bilang nga haligi ng tahanan at ama ng pamilya at komunidad.

Ayon sa Municipal Social Welfare and Development (MSWD), ito ang unang pagkakataon na naisagawa ang ganitong training sa kanilang bayan at umaasa ang opisina na maipagpapatuloy pa ito sa mga susunod na taon.

Tinalakay sa mga sesyon ang “Accepting Your Role as a Father”, “Knowing and Understanding Your Role as a Father” at “Improving Relationship with My Wife”.

Binibigyang-diin ng pagsasanay na ang pagiging ama ay hindi lamang tungkol sa lakas kundi higit sa lahat ay tungkol sa paggabay, pakikipagkapwa, at pananagutan.

Ilan sa mga kalahok ang nagpahayag na mas lalo nilang naunawaan ang kanilang papel bilang haligi ng tahanan at nangakong isasabuhay ang mga aral na natutunan.

Ang programa ay isinakatuparan sa tulong at pondo ng lokal na pamahalaan ng Sagnay, sa pangunguna ng MSWD, katuwang ang 4Ps. Ito ay patunay na sa pagpapalakas ng mga ama, mas tumitibay ang pamilya at komunidad.

Source: DSWD Field Office V

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *