Isang makabuluhang hakbang tungo sa pag-unlad ng mga lokal na komunidad ang matagumpay na isinagawa ng Sustainable Livelihood Program (SLP) sa pamamagitan ng oryentasyon para sa mga benepisyaryong asosasyon, na naglalayong palalimin ang kanilang kaalaman sa layunin at mga oportunidad ng programa na ginanap sa Calatrava Municipal Hall noong Setyembre 15, 2025.
Sa naturang aktibidad, tinalakay din ang Microenterprise Development at Financial Literacy, kung saan nabigyan ang mga kalahok ng mahahalagang kaalaman at kasanayan upang makapagsimula at mapanatili ang mga pangkabuhayang proyekto na makakatulong sa kanilang pangmatagalang kabuhayan.
Sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa pagnenegosyo at tamang pamamahala ng pananalapi, patuloy na pinalalakas ng SLP ang kakayahan ng bawat isa na makaahon sa kahirapan at makapagtayo ng mas matatag na kinabukasan.
Ipinahayag naman ni Mayor Bong M. Fabella ang kanyang buong suporta at pasasalamat sa nasabing inisyatibo.
“Hindi lang ito tungkol sa kabuhayan—ito ay tungkol sa pagtulong sa mga Calatravanon na matuto, umunlad, at bumuo ng mas magandang kinabukasan para sa kanilang sarili at sa ating bayan,” ani Mayor Fabella.
Ang aktibidad na ito ay isa na namang patunay ng patuloy na pagsusumikap ng lokal na pamahalaan ng Calatrava na palakasin ang kakayahan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga programang inklusibo at pangmatagalan.
Source: Calatrava Romblon