Personal na ininspeksyon ng Committee on Agriculture and Aquatic Resources ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang ilang proyektong patubig ng National Irrigation Administration (NIA) sa mga bayan ng Aborlan at Narra noong Setyembre 13, 2025.

Pinangunahan ni Board Member Ariston Arzaga ang inspeksyon, kasama sina Board Member Ryan Maminta at Board Member Rafael Ortega Jr. Layunin ng kanilang pagbisita na suriin ang kalagayan at kakayahan ng mga Solar-Powered Irrigation System (SPIS) na ipinatupad sa mga nasabing lugar.

Kabilang sa mga ininspeksyong proyekto ay ang Solar-Powered Irrigation System (SPIS) sa Sitio Tagpit, Barangay Isaub, Aborlan na may kapasidad na 15 horsepower (HP), may lalim na 54 metro, at kayang patubigan ang 15 ektaryang sakahan; ang SPIS sa Barangay Malinao, Narra na may 10HP system, 30 metrong lalim, at kayang patubigan ang 10 ektarya; at ang SPIS sa Barangay Bagong Sikat, Narra na may 5HP system, 18 metrong lalim, at sapat para sa 5 ektaryang sakahan.

Ayon kay BM Arzaga, mas angkop ang 15HP system para sa mga mas malalawak na sakahan upang masiguro ang sapat na daloy ng tubig. Inirekomenda rin ng komite ang paglalagay ng battery component bilang back-up power sa panahon ng maulan o makulimlim, at ang mas mahusay na paggamit ng istruktura ng solar panels para sa karagdagang benepisyo ng mga irrigators.

Nagpahayag ng pasasalamat si BM Arzaga sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa NIA Palawan sa pamumuno ni Engr. Armando Flores, sa pagpapatupad ng mga SPIS projects. Aniya, malaking tulong ang mga ito sa mga lokal na magsasaka, lalo na sa mga lugar na matindi ang epekto ng tagtuyot at ng El Niño phenomenon.

Source: Palawan Island Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *