Personal na pinangunahan ni President Ferdinand Romualdez “Bongbong” Marcos ang pormal na paglulunsad ng Submarine Cable Network sa buong bansa kasunod sa isinagawang Lighting Up Ceremony ng nasabing proyekto na ginanap sa Peninsula Manila Hotel nito lamang February 15, 2024.

Layunin ng naturang proyekto na tuldukan ang isyung “digital divide” o hindi pantay na internet access, bagkus pagtibayin nito ang digital connectivity sa buong bansa sa pamamagitan ng Philippine Domestic Submarine Cable Network, upang magkaroon ng mas reliable at murang internet services para sa lahat ng mga mamamayang Pilipino.

Ang Philippine Domestic Submarine Cable Network ay itinuturing na longest and highest capacity domestic submarine fiber cable network sa bansa. Ang naturang fiber network cable ay may habang mahigit 2,500 kilometers na kumukunekta sa mga isla ng bansa mula Luzon hanggang Mindanao.

Matatandaan sa Pulse Internet Resilience Index o IRI ng Internet Society noong 2023, lumabas na ikapito ang Pilipinas sa 11 bansa mula sa Southeast Asia pagdating sa internet stability na nakakuha ng score na 46%. Singapore naman ang nangunguna sa naturang survey na nakakuha ng 72% habang nakuha naman ng Timor Leste ang pinakamababang score na 38%.

Sa kanyang pahayag, giniit naman ni Pangulong Marcos na mas mapapabuti ng proyekto ang ranking ng bansa pagdating sa broadband at mobile internet speed at coverage. Mapabibilis din aniya ng proyektong ito ang epektibong pagpapatupad sa digitalization ng government services at public data na tutugon sa mga pangangailangan ng mamamayan. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *