Patuloy ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Region IV-A sa pagpapatupad ng Lakbay Alalay Program ngayong Semana Santa 2026 upang matiyak ang kaligtasan, kaayusan, at agarang tulong para sa mga motorista at biyahero.

Nakaantabay ang mga tauhan ng DPWH sa mga pangunahing lansangan sa buong rehiyon upang magbigay ng assistance, traffic guidance, at mabilis na emergency response sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero. Layunin ng programa na mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko at masigurong agad na matutugunan ang anumang aberya sa kalsada.

Ayon sa DPWH Region IV-A, patuloy din ang kanilang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang masiguro ang ligtas at maayos na paglalakbay ng publiko sa panahon ng Semana Santa. Nanawagan din ang ahensya sa mga motorista na tiyaking maayos ang kondisyon ng kanilang sasakyan at sumunod sa mga alituntunin sa kalsada para sa ligtas na biyahe.
Source: PIA CALABARZON