Nagsisimula nang makaapekto sa pagkatuto sa loob ng silid-aralan ang patuloy na pagtaas ng heat index sa Bicol Region, matapos ibahagi ng ilang estudyante na nahihirapan silang magpokus at maging produktibo dahil sa matinding init.
Ayon sa mga mag-aaral, nagiging hindi komportable ang pananatili sa mga silid-aralan, lalo na sa mga kuwartong kulang sa bentilasyon, kaya naaapektuhan ang kanilang kakayahang makasabay sa mga gawain sa paaralan.
Ibinahagi ni Claudia Ghaderpoor, estudyante mula sa Bicol University Main Campus, na kung minsan ay napipilitan silang lumipat sa online learning kapag masyadong mainit ang silid-aralan o kulang ang pasilidad.
“Kunware walang sufficient na room o kunware masyadong mainit sa room, we will shift to online class either synchronous or asynchronous,” ani Ghaderpoor.
Sinabi naman ni Sheen Kian Operario, mag-aaral mula sa Bicol University Guinobatan Campus, na nagiging hamon ang matinding init kahit sa mga karaniwang gawain sa paaralan.
“Because of the extreme heat, it sometimes becomes harder para sa amin to focus and stay productive in our tasks as students,” pahayag ni Operario.
Samantala, kinumpirma ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na patuloy ang pagtaas ng heat index sa ilang bahagi ng Bicol Region, na siyang nararanasan ngayon ng mga estudyante sa kanilang mga paaralan.
Source: BicolDotPH