Personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kasalukuyang sitwasyon sa Sagop Creek sa Barangay Triangulo bilang bahagi ng kanyang pagbisita sa Naga City ngayong araw.

Layunin ng pagbisita na makita ang aktuwal na kalagayan ng lugar at tiyakin ang agarang pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang upang maresolba ang matagal nang suliranin sa pagbaha sa komunidad.
Sa ilalim ng Oplan Kontra Baha ng administrasyon, isinusulong ang mga konkretong solusyon tulad ng pagpapalalim at paglilinis ng mga daluyan ng tubig, pagsasaayos ng drainage system, at pagpapatupad ng mga flood control projects upang mabawasan ang panganib sa mga residente, lalo na tuwing tag-ulan.

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan at lokal na pamahalaan ng Naga upang matiyak ang mabilis at epektibong implementasyon ng mga proyekto. Ang pagbisitang ito ay patunay ng direktang pakikiisa ng pamahalaan sa paghahatid ng pangmatagalang solusyon sa pagbaha at pagtataguyod ng mas ligtas na komunidad para sa lahat.
Source: PIA Bicol Region