Nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) Region IV-A na ang mahigpit na pagpapatupad laban sa e-trike, e-bike, at light electric vehicles (LEV) ay ipinatutupad lamang sa piling pangunahing kalsada sa Metro Manila at ilang lugar sa Calabarzon, partikular ang mga kalsadang papasok ng Metro Manila.
Ayon kay Atty. Patrick Peter Pol De Quiros ng LTO Region IV-A, nagsimula ang pagpapatupad noong Enero 2 bilang pilot implementation ng isang matagal nang polisiya sa kaligtasan sa kalsada. Sa Calabarzon, Sumulong Highway sa Rizal pa lamang ang kasalukuyang saklaw.
Binigyang-diin ng LTO na hindi ito bagong pagbabawal, kundi hakbang upang maiwasan ang aksidente sa mga pangunahing lansangang dinadaanan ng mabilis at mabibigat na sasakyan. Mahigpit na ipinagbabawal ang e-trike sa mga pangunahing highway tulad ng EDSA, C-5, Roxas Boulevard, at Quirino Ave–SLEX.
Ang mga lalabag ay mahaharap sa kaso sa ilalim ng Republic Act 4136 at Joint Administrative Order 2014-01. Handa rin ang LTO na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang tukuyin ang mas ligtas na mga ruta para sa e-trike at hinihikayat ang publiko na sumunod sa mga patakaran sa trapiko para sa kaligtasan ng lahat.