Naka-full alert status na ang Police Regional Office 5 (PRO-5) sa Rehiyon ng Bicol bilang paghahanda sa paggunita ng Undas 2025 sa darating na Nobyembre 1 at 2, kung saan kabuuang 2,707 na pulis ang ipakakalat sa buong rehiyon upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng publiko.
Sa taunang pagdiriwang na ito, inaasahang libo-libong mga Bicolano ang dadagsa sa mga sementeryo, simbahan, at iba pang lugar ng pamamanata upang alalahanin at parangalan ang kanilang mga pumanaw na mahal sa buhay.
Ayon kay Police Brigadier General Nestor Babagay Jr., Regional Director ng PRO-5, nakahanda ang buong kapulisan upang magbigay ng seguridad, tulong, at proteksyon sa publiko sa panahon ng Undas.
“We are not just deploying numbers. We are deploying commitment, discipline, and dedication,” ani Babagay.
“Our officers are ready to serve and protect, respond to any situation, and ensure that our communities can commemorate Undas peacefully and safely.”
Sa kabuuang bilang, 1,491 pulis ang itatalaga sa mga Police Assistance Desks na itatayo sa mga sementeryo at memorial parks upang magbigay ng agarang tulong at gabay sa mga mamamayan.
Samantala, 479 pulis ang magbabantay sa mga pambansang lansangan at pangunahing kalsada sa pamamagitan ng mga Motorist Assistance Desks upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko at kaligtasan ng mga motorista.
Mayroon ding 192 pulis na itatalaga sa mga terminal ng bus, paliparan, at pantalan upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang abala sa mga biyahero.
Ang natitirang mga tauhan naman ay ipakakalat sa mga simbahan, lugar ng pamamanata, at pangunahing destinasyong panturista upang magbigay ng karagdagang seguridad at tulong sa publiko.
Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1261738