Matagumpay na isinagawa ang Provincial Convention of Men Opposed to Violence Against Women Everywhere (MOVE) – ERPAT Convention 2025 noong Oktubre 11, 2015 sa Romblon Public Theater, sa pangunguna ni Gobernadora Trina Firmalo-Fabic, na patuloy na nagsusulong ng adbokasiya para sa karapatan ng kababaihan at kabataan.
May temang “Kalalakihan, Kampeon ng Kapayapaan, Sandigan ng Pamilya at Pamayanan,” dinaluhan ang pagtitipon ng mga delegado mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan, na nagkaisa sa layuning palakasin ang paninindigan laban sa karahasan sa kababaihan at mga bata, at kilalanin ang mahalagang papel ng mga kalalakihan bilang katuwang sa pagtataguyod ng mapayapa at matatag na komunidad.

Nagbahagi si Gobernadora Trina ng makabuluhang mensahe ng suporta, kung saan binigyang-diin niya ang responsibilidad ng kalalakihan sa pagtatanggol sa karapatan at kapakanan ng kababaihan at kabataan. Ayon sa kanya, mahalaga ang pagkakaroon ng pagkakaisa at partisipasyon ng bawat isa upang makamit ang isang ligtas, pantay, at inklusibong lipunan.

Naging makulay at masaya ang programa sa pamamagitan ng mga pagtatanghal ng talento mula sa mga delegado, pati na rin ang mga palaro at aktibidad na lalong nagpatibay sa samahan ng mga kalahok.
Sa kabuuan, ipinamalas ng nasabing aktibidad ang pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan ng Romblon sa patuloy na pagsusulong ng adbokasiya para sa isang maayos, ligtas, at maunlad na pamayanan.
Source: Romblon Provincial Information Office