Bilang tugon sa matinding epekto ng Habagat at Bagyong Opong sa sektor ng agrikultura at pangisdaan, nagsagawa ng Distribution of Agri-Assistance to Farmers Affected by Habagat and Typhoon Opong sa Odiongan Covered Court noong Oktubre 10, 2025.
Pinangunahan ito ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna ni Governor Trina Firmalo-Fabic, katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

Ang aktibidad ay naging posible sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), at Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHILMECH). Nagpaabot din ng suporta si Senator Francisco “Kiko” Pangilinan, na kilalang tagapagtaguyod ng sektor ng agrikultura.
Iba’t ibang anyo ng ayuda ang naipamahagi sa mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang bahagi ng Romblon. Kabilang dito ang cash assistance, fertilizers, disinfectants, mga binhi, kagamitang pansaka, at anim na farm tractors. Layon ng proyektong ito na muling ibangon ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda na labis na naapektuhan ng mga kalamidad.

Ayon kay Governor Firmalo-Fabic, ang programang ito ay bahagi ng patuloy na adhikain ng Pamahalaang Panlalawigan na tiyaking may sapat na suporta ang mga kababayang nagtatrabaho sa lupa at dagat — mga haligi ng seguridad sa pagkain sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan, inaasahang mas mapapalakas ang sektor ng agrikultura at mangingisda sa Romblon, at mas mapapabilis ang kanilang pagbangon mula sa pinsalang idinulot ng kalikasan.
Source: Romblon Provincial Information Office