Unang araw pa lang ng pagbebenta ng P20 na bigas sa barangay Mangcamagong ay marami na ang nag-abang upang makabili ng tig-10 kilong bigas nito lamang Oktubre 9, 2025.
Ayon kay Basud Municipal Agriculturist Harry James Felomino, ang inisyal na 500 bags ng bigas ay dadalhin sa bawat barangay ng Basud upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka, senior citizens, persons with disabilities, solo parent, at myembro ng 4Ps.
Kailangan lamang na magpakita ng government issued ID ang mga nais makabili.

Ayon sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng Municipal Agriculture Office ng Basud at ng Food Terminal, Inc. (FTI), ang bigas ay on consignment basis at babayaran ng Basud sa FTI pagkatapos na mabenta lahat.
Ang Benteng Bigas Meron na ay isang programa ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos na malawakang ipinatutupad ng Department of Agriculture – Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) sa pakikipag tulungan sa Food Terminal, Inc (FTI) at National Food Authority (NFA).
Sa Bicol, mabibili na ang P20 o Benteng Bigas sa mga Kadiwa ng Farmers Cooperative and Association (FCA) na aprubado ng FTI tulad ng Mambalite-Palangon Farmers Integrated Assn. (MAPAFIA) sa Libmanan, Cam. Sur at sa pamamagitan ng Kadiwa ng mga LGUs tulad ng Provincial LGU ng Masbate at ng LGU Basud, Camarines Norte.
Source: Department of Agriculture Bicol