Tatlumpu’t apat (34) na mangingisda mula sa iba’t ibang barangay sa Naujan ang tumanggap ng tig-iisang alagang baka na may kasamang bitamina at gamot mula sa Department of Agriculture (DA) Regional Field Office – MIMAROPA, sa pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro noong Oktubre 6, 2025.

Ang pamamahagi ay isinagawa sa Barangay Andres Ylagan at pinangunahan ng Provincial Veterinary Office (ProVet) sa pangunguna ni OIC Dr. Alfredo Manglicmot, katuwang ang Pamahalaang Bayan ng Naujan.

Ang nasabing ayuda ay bahagi ng unang yugto ng pamamahagi ng kabuuang 300 baka na layuning suportahan ang mga mangingisdang naapektuhan ng oil spill noong 2023. Ang mga alagang hayop ay nagmula pa sa lalawigan ng Masbate.

Ayon sa DA-MIMAROPA, ang pagbibigay ng mga baka ay isang hakbang upang matulungan ang mga benepisyaryo na magkaroon ng alternatibong kabuhayan bukod sa pangingisda, lalo na tuwing hindi sila makalaot dahil sa masamang panahon o iba pang dahilan.

Dumalo rin sa aktibidad si Bokal Marion Francis D. Marcos bilang kinatawan ni Gobernador Humerlito “Bonz” A. Dolor. Ipinabatid niya ang mensahe ng Gobernador na inaasahang mapangangalagaan at mapaparami ng mga mangingisda ang mga bakang ipinamahagi upang maging tuloy-tuloy na mapagkukunan ng kita.

Ang programang ito ay bahagi ng patuloy na rehabilitasyon at suporta ng pamahalaan sa mga komunidad na labis na naapektuhan ng oil spill, na nakaapekto sa kabuhayan ng maraming pamilyang umaasa sa yaman ng karagatan.

Source: Provincial Information Office – Oriental Mindoro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *