Namahagi ng fuel subsidy ang Pamahalaang Bayan ng Calatrava sa mga magsasakang may mga kagamitang pansaka mula sa Barangay Balogo, San Roque, at Pangulo noong Oktubre 3, 2025.
Pinangunahan ni Mayor Bong M. Fabella, katuwang ang Municipal Agriculturist na si Erwin M. Mortel, ang aktibidad na bahagi ng programa ng Department of Agriculture (DA) na layuning suportahan ang mga magsasaka sa harap ng tumataas na gastusin sa produksyon.
Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Fabella sa Department of Agriculture para sa patuloy na suporta sa mga lokal na magsasaka ng Calatrava. Ayon sa kanya, mahalaga ang pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan upang mapalakas ang sektor ng agrikultura na siyang haligi ng kabuhayan sa bayan.
Nakiisa rin sa programa ang mga opisyal ng barangay at mga benepisyaryong magsasaka na nagpahayag ng kanilang kagalakan at pasasalamat. Ayon sa kanila, malaking tulong ang subsidiya sa kanilang operasyon, lalo na sa paggamit ng makinaryang pansaka na nangangailangan ng krudo.
Ipinagpatuloy ng lokal na pamahalaan ang paglinang ng mga programang makatutulong sa agrikultura, bilang bahagi ng pangmatagalang layunin nitong mapatatag ang ekonomiya ng bayan at matiyak ang seguridad sa pagkain para sa lahat ng mamamayan.
Source: Calatrava Romblon