Patuloy ang puspusang paghahanda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mas pinalawak na disaster response operations sa lalawigan ng Masbate, kasunod ng pananalasa ng Bagyong Opong.
Kahapon lamang, Setyembre 30, 2025, dalawang trak ang nagtungo sa Masbate na may kargang kabuuang 3,400 Family Food Packs (FFPs) na handa nang ipamahagi sa mga pamilyang nasalanta.
Ang mga food pack ay mula sa Luzon Disaster Resource Center (LDRC) sa ilalim ng National Resource and Logistics Management Bureau (NRLMB), at ang operasyon ay pinangungunahan ng DSWD Field Office V – Bicol Region sa pakikipagtulungan ng Philippine Ports Authority at Philippine Coast Guard.
Pinangangasiwaan ito ni Regional Director Norman S. Laurio upang matiyak ang maayos na daloy ng ayuda.
Bukod sa mga trak na kasalukuyang nasa barko, may karagdagang relief goods at transport units na nakaantabay sa Pio Duran Port para sa susunod na bugso ng tulong.
Sa pagdating ng mga ito sa Masbate, agad itong ibababa at ipapamahagi sa mga evacuation centers at komunidad na labis na naapektuhan.
Ang tuluy-tuloy na mobilisasyon ng DSWD ay patunay ng matibay na pangako ng pamahalaan na unahin ang kapakanan ng mga pamilyang nawalan ng tirahan at kabuhayan.
Sa mga darating na araw, inaasahang mas marami pang tulong ang darating upang maibsan ang hirap ng ating mga kababayan sa Masbate.
Source: DSWD Field Office V