Isang mahalagang hakbang patungo sa kalidad na edukasyon ang ipinagdiwang ngayong araw sa opisyal na pagbubukas ng bagong dalawang-palapag na gusali na may apat na silid-aralan sa Bayanan II Elementary School sa Barangay Bayanan II, ngayong araw, Setyembre 30, 2025.
Dumalo sa programa si City Mayor Doy Leachon, 1st District Board Member RL Leachon, mga miyembro ng 10th Sangguniang Panlungsod, at mga opisyal ng Department of Education Calapan City Division sa pangunguna ni Schools Division Superintendent Ma’am Susana Bautista.
Ang proyektong ito ay naging posible dahil sa pagtutulungan ng lokal na pamahalaan at mga pribadong sektor, partikular ang SM Prime at SM Foundation, na may layuning isulong ang kabutihang panlipunan sa pamamagitan ng edukasyon.

“Ang proyektong ito ay patunay ng kahalagahan ng pagkakaisa ng gobyerno at pribadong sektor sa pagpapabuti ng buhay ng ating mga kabataan,” pahayag ni Mayor Doy Leachon. “Naniniwala kami na ang edukasyon ay susi sa magandang kinabukasan ng ating mga anak at ng buong lungsod.”
Ang bagong mga silid-aralan ay inaasahang makapagbibigay ng mas maayos at angkop na lugar para sa pag-aaral ng mga mag-aaral sa Bayanan II Elementary School, na tutugon sa lumalaking pangangailangan ng paaralan.
Sa mga ganitong inisyatiba, patuloy na pinangangalagaan ng Calapan City ang kanilang pangako na masiguro ang abot-kaya at de-kalidad na edukasyon para sa lahat ng mag-aaral, bilang hakbang tungo sa positibong pagbabago sa lipunan.
Source: Mayor Doy Leachon