Isa sa pinakamatandang simbahan sa buong lalawigan ng Quezon ang Parokya ni San Luis Obispo de Tolosa, na higit apat na siglo nang nagsisilbing sentro ng pananampalataya at kultura ng mga Lucbanin.

Itinatag noong 1595 ng mga misyonerong Pransiskano, sa pamumuno ni Fray Miguel de Talavera, ang unang simbahan ay yari sa kahoy at nipa at inialay kay San Luis Obispo de Tolosa, isang obispong Pransiskano na kilala sa kanyang kabanalan at pagiging huwaran ng paglilingkod sa kapwa. Ang unang gusali ay nasira noong 1629, ngunit muling itinayo mula 1630 hanggang 1640 gamit ang bato at mas matibay na materyales.

Pagsapit ng 1733, tinupok ito ng malaking sunog at muli itong itinayong muli hanggang sa makumpleto noong 1738, ang parehong estruktura na nakikita pa rin sa kasalukuyan.

Makikita sa disenyo ng simbahan ang estilo ng Baroque na may tatlong palapag na harapan, mga Corinthian na haligi, at mga estatwa ng mga santo sa mga nicho.

Nakatindig din sa gilid ang octagonal na kampanaryo na tatlong palapag at nakapatong sa parisukat na base, na nagsisilbing bantayog ng bayan.

Sa loob ng kasaysayan, ilang ulit na ring sumailalim sa pagsasaayos ang simbahan, kabilang na ang pinsalang tinamo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pagkasira ng bubong sanhi ng Bagyong Glenda noong 2014.

Noong 2019, sinimulan ang malawakang restorasyon sa pangangasiwa ng National Historical Commission of the Philippines.

Bukod sa pagiging tahanan ng pananampalataya, ang simbahan ay mahalagang bahagi ng kultura ng bayan, partikular tuwing ipinagdiriwang ang Pahiyas Festival na ginaganap tuwing buwan ng Mayo bilang parangal kay San Isidro Labrador.

Dito nagsisimula at nagtatapos ang mga prusisyon at misa na nagbibigay-diin sa malalim na ugnayan ng relihiyon at tradisyon sa Lucban.

Sa kasalukuyan, patuloy na pinangangalagaan ng mga pari at mananampalataya ang Parokya ni San Luis Obispo de Tolosa hindi lamang bilang lugar ng debosyon, kundi bilang pamana ng kasaysayan at kulturang dapat ipreserba para sa mga susunod na salinlahi.

Source: Tara na sa Lalawigan ng Quezon FB Page

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *