Muling pinagtibay ng Pamahalaang Lokal ng Uson, Masbate, kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at mga katuwang na ahensya, ang kanilang pangakong suportahan ang edukasyon ng mga bata sa isang espesyal na pagpupulong ng Municipal Council for the Protection of Children (MCPC) nito lamang Setyembre 22, 2025.
Pinangunahan ito ng 4Ps Municipal Operations Office ng Uson sa ilalim ng pamumuno ni DSWD Bicol Regional Director Norman S. Laurio at ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO). Dumalo rin ang mga pangunahing stakeholder gaya ng Sangguniang Kabataan (SK) Municipal Federation, Alternative Learning System (ALS), at Public Employment Service Office (PESO).
Tinalakay sa pagpupulong ang pagpapalakas ng mga estratehiya upang matiyak na ang mga bata, lalo na ang mga benepisyaryo ng 4Ps, ay manatiling nasa paaralan at magkaroon ng access sa dekalidad na edukasyon. Sinuri ng mga kalahok ang iba’t ibang salik na nakaaapekto sa pagpasok ng mga bata sa paaralan tulad ng kakulangan sa pananalapi, personal at pampamilyang problema, at mga isyung may kinalaman sa psychosocial well-being.
Bilang tugon, iminungkahi ng grupo ang mga interbensyon tulad ng pagbabalik ng mga out-of-school children sa pormal na edukasyon, o pagbibigay sa kanila ng mas nababagay na opsyon sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS).
Nangako rin ang LGU na bumuo ng mga targeted support programs at paigtingin ang pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya at stakeholder ng komunidad.
Source: DSWD Field Office V