Unti-unti nang nakikilala sa larangan ng turismo ang bayan ng Jomalig, isa sa pinakamalayong isla ng Quezon Province, dahil sa kakaibang ganda ng mala-gintong buhangin at mala-kristal na dagat nito.
Dating bahagi ng Polillo Group of Islands, ang Jomalig ay naitatag bilang hiwalay na bayan noong 1961 sa bisa ng Republic Act No. 3477 na nilagdaan ni dating Pangulong Carlos P. Garcia. Sa kasalukuyan, tinatayang mahigit 8,000 residente ang naninirahan dito na pangunahing ikinabubuhay ang pangingisda at pagtatanim ng niyog.
Ayon sa alamat, nagmula ang pangalan ng isla sa salitang “Humalik,” mula sa kwento ng isang prinsesa at dayuhang mandirigma. Sa paglipas ng panahon, naging Jomalig ang katawagan dito.

Sa kabila ng malayong lokasyon at mahabang oras ng biyahe patungo sa isla, dumarami ang mga turistang bumibisita sa Jomalig upang maranasan ang kakaibang tanawin at katahimikan na hatid ng lugar.
Tampok dito ang golden sand beaches, turquoise waters, at mga tanawin ng kabukiran na tunay na kaakit-akit para sa mga adventurer at backpacker.
Ang lokal na pamahalaan ng Jomalig ay patuloy na nagsusulong ng eco-tourism bilang pangunahing hakbang sa pagpapaunlad ng kabuhayan at pangangalaga sa kalikasan, kasabay ng promosyon ng isla bilang isang “hidden paradise” ng Quezon Province.
Source: Tara na sa Lalawigan ng Quezon FB Page