Isang masaganang ani ang muling nagbigay tagumpay sa Tigaon Inland Fisherfolk Association (TIFA) matapos itong makapagtala ng kabuuang 10,097 kilo ng tilapia, na katumbas ng kabuuang kita na ₱1,323,649 mula sa kanilang culture period na isinagawa mula Marso hanggang Agosto ngayong taon ayon sa ulat nitong Agosto 26, 2025.

Naging posible ang tagumpay na ito sa patuloy na suporta sa kabuhayan ng Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program Phase II ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Sa pamamagitan ng mga interbensyon ng SAAD, nakatanggap ang mga asosasyon ng mangingisda gaya ng TIFA ng mga farm inputs, teknikal na tulong, at monitoring support.

Ibinahagi ng mga kasapi ng asosasyon na ang kanilang kita ay hindi lamang nakikinabang ang bawat pamilya, kundi pinatitibay rin nito ang pondo ng grupo na nagagamit nila para muling mamuhunan sa operasyon at makapaghanda para sa pagpapalawak sa hinaharap.

Higit pa rito, nakapagtayo na rin sila ng sariling pwesto sa wet market sa kanilang bayan, na nagsisilbing pangunahing lugar para direktang maibenta ang kanilang ani sa mga konsyumer at mapatatag ang kanilang presensya sa lokal na merkado.

Matapos ang matagumpay na ani, sinimulan na ng TIFA ang paghahanda ng palaisdaan bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa susunod na produksyon.

Ang maagap na hakbang na ito ay patunay ng kanilang dedikasyon na mapanatili ang mataas na antas ng produksyon at masigurong may sapat na suplay ng tilapia sa lokal na merkado.

Source: BFAR Bikol

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *