Isang makasaysayang hakbang ang ginawa ng Lungsod ng San Pablo nang sumubok itong makapagtala ng Guinness World Record para sa pinakamaraming taong sabay-sabay nagtanim ng punla ng niyog sa iba’t ibang lugar ngayong araw, Agosto 29, 2025.
Ang pagtatanim ay isinagawa sa 12 barangay, tampok ang pangunahing lugar sa Barangay San Jose kung saan pinangunahan ito ng One San Pablo Movement at Maiba Naman Movement katuwang ang Pamahalaang Panlungsod.

Hindi lamang ito simpleng pagtatanim, ito ay simbolo ng pagkakaisa, malasakit sa kalikasan, at pag-asa para sa mas masaganang kinabukasan.
Libo-libong boluntaryo mula sa iba’t ibang sektor ang lumahok, mula sa mga estudyante, guro, opisyal, hanggang sa mga miyembro ng komunidad.
Layunin ng aktibidad na muling buhayin ang industriya ng niyog sa lugar, magbukas ng mas maraming kabuhayan, at higit sa lahat, itanghal ang San Pablo bilang sentro ng agri-tourism sa Laguna.
Source: Opisyal na FB Page ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna