Buong suporta ang ipinakita ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, sa pangunguna ni Governor Trina Alejandra Firmalo-Fabic, sa isinagawang MIMAROPA ICT Roadshow 2025 – Romblon Leg na ginanap sa Romblon State University noong Agosto 22, 2025.

Sa temang “Bawat Isla, Bawat Probinsya – sa Digital Bayanihan Sama-sama,” layunin ng inisyatiba ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na isulong ang digital transformation sa mga lalawigan, lalo na sa mga isla tulad ng Romblon.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Gov. Fabic ang kahalagahan ng teknolohiya sa pagbibigay ng episyente, mabilis, at transparent na serbisyo publiko. Tiniyak niyang buong puso niyang susuportahan ang mga proyekto ng DICT tulad ng Free Wi-Fi for All, Digital Transformation Center (Tech4ED), eLGU, eGOVPH, at mga programang pang-cybersecurity at ICT literacy para sa mamamayan ng Romblon.

Inilahad din ng Gobernadora ang ilang mga mungkahing lokal na programa na angkop sa pangangailangan ng mga Romblomanon—kabilang ang digital trainings para sa senior citizens, safety trackers para sa mga mangingisda, at ang pagpapalawak ng cell site coverage upang matiyak na abot ang konektividad kahit sa malalayong isla.

Bilang konkretong hakbang, inanunsyo ni Gov. Fabic ang pagtatatag ng Provincial ICT Council na mangunguna sa pagpapaunlad ng mga ICT initiatives sa lalawigan. Kasama rin dito ang plano para sa e-Business Hub at creative industry sub-office upang suportahan ang mga negosyante, kabataan, at freelancers sa digital economy.

Sa huli, tiniyak ng Gobernadora na magiging kaagapay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon sa pag-abot ng digital na kaunlaran. “Ang teknolohiya ay susi sa mas moderno, mas ligtas, at mas maunlad na Romblon,” ani ni Gov. Fabic. Sa tulong ng DICT, mga LGU, at edukasyonal na institusyon tulad ng RSU, tinatahak na ng lalawigan ang landas patungo sa isang mas digital na kinabukasan.

Source: Romblon Provincial Information Office

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *