Isang makasaysayang hakbang tungo sa makatao at maayos na pamamahala sa sektor ng katarungan ang isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Occidental Mindoro sa pormal na inagurasyon at blessing ng bagong detention facility para sa kababaihang Persons Deprived of Liberty (PDL) nito lamang Agosto 12, 2025 sa Provincial Jail, Brgy. Magbay, San Jose.

Kasama sa nasabing seremonya sina Governor Eduardo “Ed” Gadiano, Provincial Administrator V Muriel M. Reguinding, Executive Assistant Marylou Cologan, Provincial Warde Randy Ignacio, ilang Department Heads, at mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan bilang suporta sa inisyatiba.

Layunin ng bagong pasilidad na ito na magbigay ng mas maayos, ligtas, at makataong kulungan para sa mga kababaihang PDL, kasabay ng pagtitiyak na ang kanilang mga karapatan ay patuloy na nirerespeto sa kabila ng kanilang kinahaharap na kaso. Isa rin itong konkretong tugon sa lumalaking pangangailangan para sa gender-sensitive na mga estruktura sa loob ng mga correctional facilities sa lalawigan.

Bukod sa pagbubukas ng bagong gusali, muling tiniyak ng pamunuan ang pagpapatuloy ng mga programang pangkabuhayan, edukasyon, at pagsasanay para sa lahat ng PDL—bahagi ng holistic na rehabilitasyon at paghahanda para sa kanilang reintegrasyon sa lipunan.

Ang proyektong ito ay patunay ng dedikasyon ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagkamit ng hustisyang may malasakit at pagbibigay ng pantay-pantay na pagtrato sa bawat mamamayan, anuman ang kanilang kalagayan sa buhay.

Source: Governor ED Gadiano Occidental Mindoro

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *