Isang bagong pasilidad para sa mga biyahero ang opisyal nang binuksan sa publiko sa Barangay Pangobilian, Brooke’s Point, Palawan nito lamang Agosto 12, 2025. Ang Brooke’s Point Tourist Rest Area (TRA) ay inilunsad bilang bahagi ng kampanya ng lokal na pamahalaan at ng mga ahensyang pang-turismo upang paigtingin ang karanasan ng mga turista sa lalawigan.

Pinangunahan ng Lokal na Pamahalaan ng Brooke’s Point, sa pakikipagtulungan ng Department of Tourism (DOT) at Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), ang pagtatayo ng TRA na layuning magbigay ng ligtas, komportable, at kumpletong serbisyo para sa mga turista, partikular sa bahagi ng southern Palawan.

Kabilang sa mga pangunahing pasilidad ng TRA ang Tourist Information Desk, charging stations, shower areas, malilinis at PWD-friendly na restrooms, at Pasalubong Center kung saan tampok ang mga lokal na produkto mula sa Brooke’s Point at mga kalapit na bayan.

Hindi lamang ito itinayo bilang pahingahan ng mga biyahero, kundi bilang sentro rin ng promosyon para sa mga natatanging tanawin, kultura, at produkto ng komunidad. Inaasahang magsisilbi itong pangunahing gateway ng mga turista sa pagdiskubre ng mga likas na yaman ng Brooke’s Point.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang bagong pasilidad ay inaasahang magpapalakas ng turismo at magbibigay ng dagdag na hanapbuhay sa mga mamamayan. Isa rin itong hakbang sa patuloy na pagsuporta sa mga lokal na negosyo at pagpapasigla ng ekonomiya ng bayan.

Sa pagbubukas ng Tourist Rest Area, inaasahan ang mas mataas na bilang ng mga bumibisitang turista at ang mas aktibong partisipasyon ng mga lokal sa pag-unlad ng sektor ng turismo sa Palawan.

Source: Palawan Island Network

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *